TUGUEGARAO CITY- Nangako ang bagong director ng Police Regional Office 2 na si PBGEN Steve Ludan na kanyang ipagpapatuloy at lalo pang paiigtingin ang mga programang sinimulan ng kanyang pinalitan na si outgoing Regional Director PBGEN Crizaldo Nievez.

Sinabi ni Ludan sa isinagawang change of command ceremony kaninang umaga na palalakasin niya ang kampanya laban sa insurhensiya, ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para maihatid ang serbisyo ng PNP laban sa kriminalidad at ang pagpapaigting sa cleansing policy sa hanay ng kapulisan.

Bukod dito, sinabi ni Ludan na marami rin siyang pag-aaralan sa PNP Region 2 upang makagawa ng iba pang proyekto at mga programa para sa mas maayos na serbisyo sa publiko.

Plano din niyang magdagdag ng mga pasilidad lalo na sa crime laboratory.

ang tinig ni PBGEN Ludan

Si Ludan na tubong Tanudan, Kalinga ay nagsilbing director ng PNP Crime Laboratory bago siya itinalaga bilang director ng PNP Region 2.

Samantala, nagpasalamat naman si Nievez sa lahat ng stakeholders na tumulong sa PNP Region 2 dahil sa matagumpay na pagpapatupad nila ng kanilang mga programa at proyekto.

Iniwan din niyang mensahe sa mga pulis ng PNP Region 2 na tiyakin na laging handa sa lahat ng sitwasyon hindi lamang sa pagpapanatili ng kaayusan kundi maging sa panahon ng kalamidad at ngayong panahon ng pandemya dulot ng covid-19 at tumulong sa mga programa ng pamahalaan.

Kasabay nito, sinabi ni Nievez na hindi nagtatapos ang kanyang paghahatid ng serbisyo sa kanyang pagreretiro sa PNP sa halip ay pwede pa niyang ipagpatuloy ito sa ibang paraan bilang isang private citizen.