Iniulat ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat na umabot na sa P85.6 milyon ang halaga ng naipagkaloob na financial assistance sa mga tourism workers na naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa Region 2.

Sa virtual press conference, nasa kabuuang 17,127 na mga benepisaryo ang nakatanggap na ng cash assistance program na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa.

Kinabibilangan ito ng mga nagtatrabaho sa mga DOT-accredited establishments gaya ng mga hotel at mga informal workers o ang pinagkakakitaan ay may kaugnayan sa turismo gaya ng mga drivers.

Sinabi ni Puyat na P3.1 bilyon ang inilaan ng pamahalaan sa DOT sa ilalim ng Bayanihan 2, kung saan P2.3 billion na ang naibigay sa 465,530 na benepisyaryo sa buong bansa.

Aminado naman ang kalihim na mababa ang nasabing bilang kumpara sa dami ng mga naapektuhan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga tourism activities.

Napag-alaman na 4.8 million Pinoy ang nawalan ng trabaho o nabawasan ang kanilang kita simula ng tumama ang covid 19 pandemic.

Umaasa naman ang DOT na makakabawi ang sektor ng turismo sa nagpapatuloy na roll-out ng bakuna kontra COVID-19 sa buong bansa.