Patuloy na bumibili ng palay sa presyong P19 kada kilo ang National Food Authority (NFA) sa mga magsasaka sa Cagayan, Kalinga at Apayao.

Ayon kay Provincial Manager Mariela Rios ng NFA Cagayan-Apayao-Kalinga nakabili na sila ng 103,000 sako ng palay na tig-50 kilos sa nasa dalawang libong magsasaka.

Katumbas lamang ito ng nasa 2% ng mga inaning palay sa tatlong probinsiya na sakop ng NFA-Cagayan para sa traditional summer crop mula Marso hanggang Mayo.

Sa ngayon para sa clean at dry palay, binibili ng NFA ang produkto sa local farmers sa halagang P19 per kilogram na mas mataas kumpara sa buying price ng mga traders na P17 hanggang P18.50.

Sinabi ni Rios na malaking bulto ng binili nilang palay ay mula sa Cagayan at Apayao.

Pansamantala namang inihinto ng NFA-Cagayan ang pagdadala ng buffer stock nito sa National Capital Region dahil kailangan ito sa mga relief operation sa buong probinsya.

Dagdag pa ni Rios na sa ngayon ay wala pang pahintulot ang NFA Central Office kung maaari nang mamili ng mais sa mga magsasaka.

Gayunman, may mga ilang branch ng NFA ang bumibili ng mais sa halagang P12.92 per kilogram.

Patuloy nman ang kanilang paghimok sa ilan pang mga magsasaka na ipagbili ang kanilang mga aning palay sa NFA para makatulong na maiahon ang kanilang sarili ngayong panahon ng krisis.