Photo Credit: PNP-Baggao

TUGUEGARAO CITY-Pinatay at pinagnakawan ang isang negosyante ng limang hindi pa nakikilalang indibidwal sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Kinilala ang namatay na biktima na si Reynante Jose, 60-anyos, residente ng Brgy. Adaoag at nagba-buy and sell ng mga kalabaw at baboy sa nasabing bayan.

Ayon kay PLt. Jack Urian, Deputy Chief of Police ng PNP-Baggao na batay sa salaylay ng kinakasama ng biktima na si Norma, matutulog na sana sila noong gabi ng Hulyo 23,2021 kasama ang kanilang isang apo nang biglang may narinig na boses mula sa labas ng kanilang tahanan na tinatawag ang biktima at ipinapaalam na namatay ang kanyang kapatid.

Dahil dito, lumabas ang biktima para tingnan kung sino ang mga tumatawag sakanya pero laking gulat na lamang ng pamilya nang hilain ng isang suspek si Reynante palabas ng kanilang bahay habang pumasok naman ang isa pang suspek at tinutukan si Norma ng matulis na bagay kasabay ng pilit na paghingi ng kanilang pera.

Dala ng takot, kaagad inilabas ni Norma ang pera na nagkakahalaga ng halos P300,000 at ibinigay sa mga suspek.

Bago pa man makalabas ang mga suspek sa bahay ng mga biktima ay tinalian si Norma maging ang menor-de-edad na apo habang paulit-ulit namang pinalo ng kahoy si Reynante sa kanyang ulo na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Hindi naman nakilala ni Norma ang pumasok sa kanilang bahay dahil nakasuot ito ng bonete.

Pero hinala ni Urian, maaaring nakilala ng namatay na biktima ang mga suspek kung kaya’t tuluyan nila itong pinatay.

Nabatid na nasa bulubunduking bahagi ng lugar at mag-isa lamang ang bahay ng mga biktima kung kaya’t hindi sila kaagad nakapagtawag ng tulong.

Sa ngayon,inaalam na ng kapulisan kung sino ang mga nakakaalam na may hawak na ganong halaga ang pamilya habang patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon para sa agarang pagkahuli ng mga suspek.