photo credit: PNP-TUGUEGARAO

TUGUEGARAO CITY-Dead-on arrival sa pagamutan ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa lungsod ng Tuguegarao.

Ayon kay PLt. Franklin Cafirma, tagapagsalita ng PNP-Tuguegarao, kasalukuyang nasa harap ng isang vulcanizing shop sa Brgy. Carig Sur ang biktima na si Moises Joseph Collado, 34-anyos, residenteng Brgy. San Gabriel lulan ng kanyang motorsiklo nang biglang dumating ang isang pick-up.

Dito, biglang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang biktima kung saan nagtamo ng hindi pa mabatid na tama ng baril na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Nakober sa pinangyarihan ng pamamaril ang limang basyo ng bala ng M16 rifle.

Blanko pa ang kapulisan sa motibo ng suspek na agad na tumakas matapos ang pamamaril.

Nagsasagawa ngayon ng malalimang imbistigasyon ang pulisya sa naturang krimen.