Balik-kulungan ang isang 44-anyos na lalaki matapos mahuli sa buybust operation sa Caggay, Tuguegarao City.

Nasabat ng pulisya ang 27 sachet ng shabu mula sa suspek na kinilalang si Benedict Amid, negosyante na tubong Kabugao, Apayao at pansamantalang naninirahan sa bayan ng Enrile, Cagayan.

Sinabi ni PLT Franklin Cafirma, tagapagsalita ng Tuguegarao Police Station na dati nang nakulong ang suspek dahil sa kasong homicide at kakalaya lamang noong nakaraang taon.

Ayon pa kay Cafirma na bago ang operasyon ay isinailalim sa pagmamanman ang suspek batay sa tip mula sa isang informant na nagbebenta ito ng illegal na droga.

Maliban sa sachet ng shabu na inaalam pa ang gramo at halaga nito ay narekober din sa suspek ang P1,000 buybust money, cellphone at motorsiklo.

Agad namang isinailalim sa inquest proceedings ang suspek para sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.