TUGUEGARAO CITY-Nagsagawa ng maritime air surveillance ang Naval Forces Northern Luzon katuwang ang Philippine Air force sa karagatang nasasakupan, partikular sa Philippine Rise at Babuyan group of island noong Abril 28,2021.

Ayon kay Lt. Jaypee Abuan, tagapagsalita ng Naval Forces Northern Luzon, ito’y parte ng kanilang regular na pagpapatrolya sa nasasakupang karagatan.

Aniya, layon nito na matiyak na walang foreign vessel sa mga isla at ganun na rin ang malayang makapanghuli ng yamang dagat ang mga mangingisda sa mga naturang karagatan.

Kaugnay nito, sinabi ni Abuan na naging mapayapa ang kanilang ginawang pagpapatrolya at wala ring namataan na mga foreign vessel maging ang mga dayuhang mangingisda sa mga nasabing isla.

Pero sa kabila nito, sinabi ni Abuan na patuloy ang kanilang pagpapatrolya para matiyak na hindi magtatagumpay ang mga taga-ibang bansa na nagbabalak sakupin ang isla ng Pilipinas.