-- ADVERTISEMENT --

Napatay ng mga pulis ang isang lalaki na suspek sa pamamaril sa kaniyang asawang pulis matapos umanong manlaban sa bayan ng Penablanca, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, kinilala ni Police Col. Renell Sabaldica, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office ang suspek na si Julius Calaycay, residente ng Brgy. Linao East, Tuguegarao City.

Aniya, naunang binaril ng suspek ang kaniyang asawa na si Police M/Sgt. Evelyn Calaycay, residente ng Brgy. Cataggaman Nuevo habang papasok siya sa PNP Tuguegarao kung saan siya nakatalaga.

Sinabi ni Sabaldica na nagtamo ng daplis sa tagiliran ang pulis na nagresulta ng kaniyang pagkatumba sa minanehong motorsiklo sa bahagi ng Pinacanauan river sa Brgy. Centro 10.

Tumakas naman ang suspek lulan din sa motorsiklo habang nagpasaklolo sa kaniyang mga kasamahan sa PNP Tuguegarao ang biktima.

Sa tulong ng kanilang anak na si CJ, tinukoy niya na mismong ang kanyang ama ang bumaril sa ina batay sa ipinakitang CCTV footage.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay agad tinungo ng pulisya ang bahay ng kapatid ng suspek sa Brgy Quibal, PeƱablanca na itinuro ng nakababatang Calaycay na posibleng kinaroroonan ng ama.

Dito nakasalubong ng mga rumespondeng pulis ang suspek na lulan ng motorsiklo at una ay nagpaputok ng baril kayat gumanti rin ng putok ang operatiba na tumama sa paa ng suspek.

Gayunman, hindi umano huminto ang suspek at nagpatuloy sa pagmamaneho hanggang sa makarating sa bahagi ng piggery sa Brgy Aggugaddan.

Sinubukan namang makipag-negosasyon ng pulisya para sa maayos nitong pagsuko na tumagal ng halos isang oras subalit pinaputukan ng dalawang beses ang mga pulis kung kayat binaril na ang suspek.

Naitakbo sa ospital ang suspek pero hindi na umabot ng buhay.

Ayon pa kay Sabaldica, matagal nang hiwalay ang dalawa kung saan kinasuhan ng pulis ang kaniyang asawa ng Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) subalit nakapagbayad umano ng piyansa noong 2018.

Narekober sa suspek ang isang homemande 12 guage short firearm na walang serial number, anim na piraso ng live ammunition ng guage 12 shotgun at isang hand grenade.