-- ADVERTISEMENT --

TUGUEGARAO CITY-Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga otoridad sa sanhi ng pagkamatay ng isang babaeng estudyante na natagpuan sa kakahuyang bahagi ng Barangay Annafunan East, Tuguegarao, City.

Ayon kay PCAPT Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao, nakita ng isang residente sa naturang barangay na kukuha lamang sana ng dahon ng ipil-ipil na pagkain ng kanyang alagang baboy ang bangkay na kinilalang si Jasmine Grace Casale, 21 anyos, 2nd year college at residente ng Brgy. Atulayan Norte.

Sinabi ni Taguiam na batay sa salaysay ng nakakita ay may umaalingasaw na amoy kayat hinanap niya ito at laking gulat ng tumambad sa kanya ang tinatayang nasa tatlong araw ng patay na katawan ng babae at naagnas na.

Sa ngayon ay hinihintay pa lamang ng pulisya ang resulta ng post mortem examination na isinagawa ng mga otoridad upang matukoy kung ano ang dahilan ng pagkasawi ng biktima.

Sa imbestigasyon, nagpaalam umano sa kanyang pamilya ang biktima noong araw ng Sabado dahil mayroon siyang kikitain ngunit hindi na siya bumalik pa.

-- ADVERTISEMENT --

Wala naman aniyang nag-report sa tanggapan ng pulisya kaugnay sa pagkawala nito bagkus ay nakita lamang ng ilang personnel ng PNP Tuguegarao na may nagpost sa social media na nawawala ang kanilang kaanak at nang beripikahin ng pulisya ay dito nalaman na ang biktima pala ang nawawala.

Sinabi ni Taguiam na sa ngayon ay wala pang malinaw na dahilan sa pagkasawi ng suspek kung kayat patuloy ang pagsasagawa ng mga otoridad ng imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang responsable sa pagpatay sa biktima.