TUGUEGARAO CITY- Umaabot na sa mahigit P537M ang initial damage na iniwan ng bagyong “Kiko” sa Batanes.

Sinabi ni Governor Marilou Cayco, ang nasabing halaga ay saklaw ang 424 totally damaged at 1,811 na partially damaged houses, mga public infrastructure , agriculture and fishery sector at power electric lines.

Ayon kay Cayco, mahigit P40 milyon ang halaga ng mga nasirang bahay, mahigit P244 milyon sa public infrastructure, mahigit P219 milyon sa agri-fishery at mahigit P32 milyon sa power lines.

Kaugnay nito, sinabi ni Cayco na patuloy ang kanilang pamamahagi ng construction materials at tig-10 kilos ng bigas sa mga naapektuhan ng bagyo.

Sinabi ni Cayco na patuloy ang kanilang ” bayanihan” upang matulungan ang Batanes Electric Cooperative na mabilis na maayos ang mga poste at linya ng kuryente.

Umaasa siya na sa mga susunod na araw ay maibabalik na ang supply ng kuryente sa Basco at susunod ang ibang bayan sa Batanes.

Kaugnay nito, sinabi ni Cayco na nagiging maingat sila ngayon sa sa kanilang ginagawang pamamahagi ng ayuda sa mga affected families at sa kanilang ” bayanihan” dahil sa may mga nagpositibo sa covid-19 na apat.

Lahat kasi ng mga nagpapa-check-up sa kanilang ospital ay kailangan muna na isailaim sa antigen test kung saan 19 ang nagpositibo habang apat ang positibo sa RT-PCR test.

Ayon sa kanya, wala pa ang resulta ng RT-PCR ng iba pa na dinala dito sa lungsod ng Tuguegarao ang kanilang specimen.

Kaugnay nito, sinabi ni Cayco na kasalukuyan na ring inaayos ang tatlong quarantine facilities na sinira din ng bagyong ” Kiko”.

Dahil dito, dinala sa ibang quarantine facility ang mga positibo sa covid-19 maging ang mga hinihintay pa ang resulta ng kanilang RT-PCR test.