-- ADVERTISEMENT --

Aabot na sa mahigit sampung libong benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang nagtapos na sa programa ng Department of Social Welfare and Development sa Region 2.

Ayon kay Jeanette Lozano, 4Ps focal person ng DSWD-RO2 na may kabuuang 10,075 households na ang grumaduate na sa programa kung saan 1,664 rito ay voluntarily waiwed o otomatikong graduate na sa programa.

Itoy dahil nakumpleto na ng mga naturang benepisaryo ang pitong taong durasyon ng programa, wala nang anak na may edad 19 pababa ang nag-aaral hanggang Senior High School at ang pamilya ay hindi na ikinukunsiderang mahirap o nag-voluntary waiwed matapos maiangat ang pamumuhay.

Dagdag pa ni Lozano na may mga susunod pang benepisaryo na inihahanda ng ahensya para sa transisyon bago tuluyang bitawan sa programa.

Dahil dito, nasa mahigit isang libo na ang bakante sa kabuuang 106,212 slot na nakalaang sa rehiyon sa pagbibigay ng conditional cash grants sa mga mahihirap na pamilya upang mapaunlad ang kalusugan, nutrisyon at edukasyon.

Sa ilalim ng programa, ang buwanang health grant na matatanggap ng household beneficiary ay P750; sa education grant ng anak na nasa kinder hanggang grade six ay P300; P500 naman kapag highschool at P700 kapag senior high school.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang din sa mga benepisyong matatanggap ng 4Ps household beneficiaries ay ang P600 kada buwan na rice subsidy na ibibigay bilang cash grant.

Sinabi ni Lozano na ibinibigay ang cash grant sa mga benepisaryo sa kada dalawang buwan sa pamamagitan ng face to face o ATM withdrawals mula sa kanilang account sa Landbank.