
TUGUEGARAO CITY-Nagpapatuloy ngayon ang ginagawang monitoring ng lokal na pamahalaan at ibat ibang ahensya sa mga low lying areas at landslide prone areas sa lalawigan ng Cagayan dahil sa banta ng bagyong Betty na nagsimula ng maramdaman ang epekto nito.
Sa bayan ng Gonzaga, nasa 38 pamilya na katumbas ng 113 indibidwal ang isinailalim sa preemptive evacuation bilang pag-iingat sa posibleng epekto ng bagyong “Betty”.
Patuloy ring minomonitor sa bayan ng Sta. Praxedes ang apat na lugar na high risk sa landslide gaya ng Cadongdongan, Sicul, Macapel at Salongsong.
Sa katunayan, sinabi ni Mayor Esterlina Aguinaldo na mayroong naka-standby na kagamitan ang DPWH sa kanilang lugar upang agad na makapagsagawa ng clearing sakaling magkaroon ng landslide sa bahagi ng boundary ng Ilocos Norte at Cagayan at maging sa papuntang Apayao area.
Samantala, patuloy na nakaantabay at nag-iikot ang Task Force Lingkod Cagayan, katuwang ang iba’t-ibang ahesnya ng gobyerno sa posibleng paglikas sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Arnold Azucena, head ng TFLC Cagayan, nakahanda na ang lahat ng mga rescue assets na gagamitin at maging ang deployement ng mga emergency response team sa pitong istasyon ng TFLC.
Bukod dito ay may close monitoring din aniya sila sa bawat MDRRMO sa probinsya lalo na sa mga coastal towns ng Cagayan dahil sa kanilang monitoring ay may pagbabago na sa lakas ng hangin habang nakakaranas na ang lalawigan ng panakanaka hanggang sa malakas na bugso ng pag-ulan.
Handang handa na rin ang mga evacuation centers at ibibigay na relief goods sa bawat LGU.