-- ADVERTISEMENT --

Patay sa pananaksak ng kanyang nakababatang kapatid ang isang magsasaka dahil sa pakikipagtalo sa kanilang ama matapos kumprontahin tungkol sa natanggap na ayuda na ipinambili lamang ng alak sa bayan ng Allacapan, Cagayan.

Dead on arrival sa pagamutan ang biktimang si Ador Castro, 43-anyos sa tinamong sugat sa kanyang dibdib, habang nasampahan na ng reklamong homicide ang kapatid nitong suspek na si Jefferson, 18-anyos at kapwa residente ng Barangay Dalayap.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PMaj. Antonio Palattao, hepe ng PNP-Allacapan, unang nakipagtalo ang biktima sa kanyang ama matapos siyang pagsabihan sa maling paggastos nito sa natanggap na financial assistance mula sa Provincial Government.

Namagitan umano ang suspek na noon ay kainuman ng biktima, kasama ng ilan pa nilang kamag-anak sa kanilang bahay hanggang sa ang magkapatid na ang nag-away na humantong sa pananaksak gamit ang kitchen knife.

Kwento ng suspek sa pulisya, hindi niya sinadyang patayin at maituturing na self-defense ang kaniyang ginawa dahil nakahawak noon ng itak ang kanyang kuya na unang umatake sa kanya.