
Kinumpirma ng PNP na nasa kostodiya nila ang gunman na pumatay sa radio broadcaster na Precy Lapid.
Sa press briefing, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na sumuko ang gunman na kinilalang si Joel Estorial ng Quezon City.
Sinabi ni Abalos na batay sa pahayag ng gunman ay sumuko siya dahil sa takot na rin sa kanyang kaligtasan matapos na maglaan ng pabuya para sa kanyang pagkakahuli.
ikinanta din ni Estoria ang mga kasama niya sa krimen na ang magkapatid na sina Edmund at Ismael Dimaculangan at isa pa na kinilala lamang niya sa pangalang Orly na ngayon ay tinutugis ng mga otoridad.
Iniharap din sa press briefing ang gunman kung saan sa pagtatanong sa kanya ni Abalos ay umiiyak na sinabi ng suspect na natatakot sa kanyang buhay kaya siya boluntaryong sumuko.
Sinabi pa ng gunman na galing umano ang utos o kinontrata sila na patayin si Lapid ng isang tao sa loob ng Bilibid na hindi na tinukoy ang pagkakakilanlan.
Sa salaysay ni Estoria, ang kanilang usapan ng kanyang mga kasama na kung sino ang matatapat kay Lapid ay siya ang babaril.
Ayon sa kanya, binaril niya si Lapid dahil siya ang natapat at natakot din siya sa banta sa kanya ni Orly na siya ang papatayin kung hindi niya ito gagawin.
Sinabi pa nya na binayaran sila ng P550,000 kung saan anim silang naghatihati kabilang ang nasa Bilibid at ang kanyang bahagi na P140,000 ay idineposito umano niya sa isang bangko.
Ayon kay Estoria na hindi siya pinilit at ang kanyang sinumpaang salaysay ay boluntaryo niya itong ginawa.