CTTO

TUGUEGARAO CITY-Boluntaryong sumuko sa himpilan ng kapulisan ang isang miembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Ayon sa PNP-Amulung, kahapon, Enero 26, 2021 nang magtungo sa kanilang himpilan si Bennie Cabudol, 56-anyos, residente ng Brgy. Manalo para linisin ang kanyang pangalan.

Naging miembro umano ng CTG si Cabudol noong 2014 hanggang 2015 kung saan kasama rin siya sa mga isinagawang protesta ng grupong Anakpawis dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Ipinangako umano ng Anakpawis na makakamit nila ang hustisya sa kanilang problema may kaugnayan sa lupa kung kaya’t siya’y sumapi sa grupo ngunit hanggang ngayon ay wala pang nangyayari sa kanilang pangako.

Dahil dito, napag-isipan ni Cabudol na sumuko na lamang sa pamahalaan para maging malinis ang kanyang pangalan at makamit ang kapayapaan na hinahangad.

Inaayos na rin ng kapulisan ang dokumento ng Cabudol para mapasama sa mga makakatanggap ng tulong mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP program ng pamahalaan.