
Nakalabas na sa pagamutan ang isang pasaherong nasugatan sa labing-limang sakay ng mini-dump truck na nahulog sa sampung metrong lalim na bangin sa lalawigan ng Kalinga.
Ayon kay Kalinga Police Provincial Office (KPPO) director P/Col. Davy Vicente Limmong, magkakamag-anak ang mga biktima na kinabibilangan ng pitong menor de edad na pawang residente ng Brgy San Pascual, Rizal, Kalinga na papunta sana sa Brgy Nambaran, Tabuk City.
Sinabi ni Limmong na pababa ang truck sa kurbadang bahagi ng kalsada sa Brgy Nambaran nang mawalan ng preno ang sasakyang minamaneho ni Noriel Aragon, 34-anyos kaya dumiretso ito sa bangin.
Nagtamo ng head injury ang 30-anyos na si Melnard Bawagan Sr., pero nasa ligtas nang kalagayan habang wala o galos lamang ang tinamo ng iba pang pasahero at driver ng sasakyan.