Bahagyang bumaba ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Tuguegarao sa nakalipas na isang araw matapos namang makapagtala ng 889 aktibong kaso, mula sa dating 914 na pasyente noong May 3, 2021.

Base sa pinakahuling datos mula sa City Health Office, umabot na sa 3,571 ang nakarekober mula sa 4,528 na tinamaan ng virus, samantalang nakapagtala ng kabuuang 68 na mga nasawi simula nang tumama ang COVID-19 sa bansa.

Pinakamarami sa may aktibong kaso ay mula sa Western Brgy. sa bilang na 390; sinundan ng Northern Brgy sa 235 active cases; Eastern Brgy sa 132 at sa Poblacion ay 113 ang active cases.

Mula sa kabuuang 49 na barangay sa Lungsod, nasa tatlong barangay ang zero active cases ng COVID-19 na kinabibilangan ng Namabbalan Sur, Centro 3 at Centro 6.

Sa kabila ng magandang balita, patuloy pa rin ang paalala ng punong lungsod sa mga residente na patuloy na mag-ingat at sumunod sa umiiral na health protocols.

Patuloy rin ang pamahalaang lungsod sa pagpapaigting ng laban kontra COVID-19.

Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang COVID-19 vaccination drive sa lungsod.

Base sa huling tala hanggang April 30, 2021, umabot na sa 6,247 frontline workers at senior citizens ang naturukan na ng bakuna laban sa nakakahawang sakit.

Nasa 5,051 ang nabakunahang frontliners na kabilang sa Priority Group A1 mula sa target na mahigit 7,000 habang 1,196 senior citizens na kabilang sa Priority Group A2, mula sa target na mahigit 10,000 ang naturukan na ng bakuna.

Hinihikayat pa rin ng pamahalaang lungsod ang mga indibidwal na kabilang sa priority sectors na magpabakuna na bilang dagdag na proteksyon sa sarili at komunidad.