Muling bubuksan ng City Commission on Elections (COMELEC) ang satelite registrations sa mga malls sa Tuguegarao City.

Ayon kay Atty. Jims Dandy Ramos, city election officer na bukod sa kanilang opisina ay tatanggap sila ng mga botanteng magpaparehistro sa mga satelite registration center mula alas 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Maliban sa pagpaparehistro, pwede ring mag-apply ng transfer at reactivation, correction of entries at iba pa.

Sisimulan bukas, October 14 ang special registration para sa mga ‘vulnerable sector’ gaya ng mga buntis, senior citizens, frontliners at iba pa na isasagawa sa SM downtown hanggang Biyernes.

Bilang pagsusulong naman ng karapatan ng lahat para bumoto, sinabi ni Ramos na isasagawa sa October 18 ang satellite registration para sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cataggaman.

Ayon kay Ramos, nasa 70 PDL ang maaaring magpatala sa BJMP kung saan sa nasabing bilang ay sapat na para makapaglagay ang COMELEC ng isang special polling place sa loob ng kulungan.

Sa October 21 hanggang 22 naman ay maglalagay ang COMELEC ng satelite registration booth sa Robinsons Mall habang sa October 25 hanggang 26 sa City Mall.

Ang voters registration para sa May 2022 National and Local Elections ay magtatagal hanggang October 30, 2021.