-- ADVERTISEMENT --

TUGUEGARAO CITY-Balik na sa klase ang mga mag-aaral sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan sa lalawigan ng Cagayan matapos tanggalin ni Governor Manuel Mamba ang class suspension dahil sa unti-unti ng pagbuti ng panahon.

Ayon kay Rueli Rapsing, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na ipinauubaya naman sa mga local chief executives kung kailangan nilang magsuspinde ng klase sa kanilang nasasakupan.

Tuloy-tuloy naman ang joint monitoring lalo na sa mga bayan na malapit sa karagatan gaya ng Sta. Ana, at Gonzaga, kabilang na ang Calayan island na nakakaranas pa rin ng malalakas na hangin dulot ng bagyong betty.

Sinabi naman ni Edward Gaspar, MDRRMO head sa bayan ng Gonzaga na nakabalik na sa kanilang tahanan ang mga naunang isinailalim sa pre-emptive evacuation.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, may anim na pamilya na katumbas ng 19 indibidwal ang bagong inilikas sa Brgy Baua na malapit lamang sa bayan ng Sta Ana.

Ang mga inilikas ay nakatira sa low lying areas at malapit sa karagatan dahil sa banta ng mataas na alon bunsod ng panakanakang malalakas na hangin.

Sa Tuguegarao City, naipasakamay na sa bawat barangay na nasa low lying areas ang rescue boats na kanilang magagamit tuwing may kalamidad.

Ito ay kinabibilangan ng Brgy Balzain East, Tagga, dalawang Gosi, tatlong Linao, dalawang Annafunan at Atulayan Sur.

Bukod dito, sinabi ni Mayor Maila Que na may 57 na katao ang nabigyan ng mga carpentry tools gaya ng pala at martilyo.