
TUGUEGARAO CITY-Nakahanda na ang ibat ibang ahensiya na kabilang sa Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVRDRRMC) sa posibleng epekto ng banta ng bagyong Betty sa Rehiyon dos.
Ayon kay Michael Conag, tagapagsalita ng OCD Region 2 itoy kasunod ng pagtataas ng tanggapan sa Red Alert Status at Charlie protocol sa posibleng epekto ng sama ng panahon na tinutumbok ang rehiyon.
Bagamat maliit ang posiblidad na tumama sa kalupaan ang bagyo na pumasok na sa PAR ay maaapektuhan pa rin nito ang Northern Luzon lalo na sa coastal municipalities ng Cagayan at Isabela, kabilang na ang lalawigan ng Batanes.
Kaugnay nito ay naisagawa na ang prepositioning ng response asset at food pack sa mga lugar na inaasahang maapektuhan ng bagyo at nakarating na rin sa isla ng Batanes ang mga karagdagang food at non food items.
Nakahanda na rin ang mga hakbang para sa gagawing Search, Rescue, and Retrieval operations, implementasyon ng no sail policy, kasama rin ang gagamiting emergency telecommunications, transportation ng logistics and relief teams, at ibang kailangang gagawin sa pagharap sa banta ng bagyo.
Kabilang na rito ang pag-preposition ng mga heavy equipment at operators ng DPWH sa mga vital road sections at landslide-prone areas para sa clearing operations upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang disaster response activities ng iba pang ahensya ng gobyerno.
Nakakalat na rin sa mga lugar na maaring maapektuhan ng bagyo ang nasa 12K standby forces ng AFP, kabilang na ang kanilang air at water assets para sa Humanitarian at Disaster Response operations.
Samantala, sinuspendi ni Acting Governor Melvin Vargas ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, maging ang pasok sa lahat ng tanggapan sa probinsya ng Cagayan simula kahapon.
Sa ngayon ay maaliwalas pa rin ang panahon sa Tuguegarao City at wala pang direktang epekto ng bagyo kahit nakapasok na ito sa PAR.