-- ADVERTISEMENT --

Positibong kinilala ng mga kaanak ang bangkay ng isang lalaking isinilid sa drum at itinapon sa Cagayan river.

Ang biktima ay nakilalang si Rowel Unabia, 32-anyos, dating seaman at residente ng Brgy. Maddalero, Buguey, Cagayan.

Ayon sa asawa ng biktima na si Haydee, agad silang nakipag-ugnayan sa pulisya nang makita ng mga kaanak ang ulat sa Bombo Radyo tungkol sa bangkay na nakita sa isang drum sa ilog cagayan na bahagi ng Maddarulug, Solana, kahapon ng umaga.

Sa ngayon ay palaisipan pa sa kanila ang ginawa sa kaniyang mister dahil wala umano silang alam na kasalanan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCcapt. Samuel Lopez, hepe ng PNP Solana, nagulat ang mga nakakitang construction worker dahil bangkay ng tao ang tumambad nang buksan nila ang kulay asul na drum na unang nakitang naaanod sa ilog.

Sa inisyal na pagsisiyat ng pulisya, nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktima na posibleng sanhi ng kaniyang pagkamatay.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay naiuwi na ang mga labi ng biktima sa bahay ng kaniyang magulang sa Brgy. Centro East, Sta. Teresita, Cagayan.