TUGUEGARAO CITY-Pormal nang umupo ngayong araw, Hulyo 15, 2021 bilang bagong Regional Director ng Department of Tourism (DOT)-Region 02 si Fanibeth Domingo.

Nanumpa si Domingo sa pamamagitan ng virtual kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.

Sa naging panayam ng Bombo radyo kay Domingo, tiniyak nito na kanyang gagawin ang lahat para mapagtagumpayan ang mga plano ng ahensya na makilala ang mga pook pasyalan sa rehiyon dos.

Ayon kay Domingo, patuloy ang kanilang pagsasanay sa mga stakeholders habang nakararanas ng pandemya ang bansa bilang paghahanda sa oras na tuluyan nang buksan ang turismo sa rehiyon.

Aniya, may dalawang malaking tourist spot sa rehiyon ang kasalukuyan nilang inaayos at nakatakdang buksan na makakatulong sa paglago ng ekonomiya ng turismo at magbibigay ng trabaho sa rehiyon.

Tiniyak naman ni Domingo na nasusunod ang mga nakalatag na health protocols habang isinasagawa ang pagsasanay bilang pag-iingat sa covid-19.

Si Domingo ay naging empleyado ng DOT noong 1992 at nitong Hulyo 2020 ay naging Officer-in-charge ng ahensya bago tuluyang maging direktor ngayong araw kung saan kanyang pinalitan si dating DOT region 2 director Virgilio Maguigad.