Nasa stable nang kalagayan ang isang lalaking tinaga ng kanyang nakainumang kapatid matapos mamagitan sa away ng mag-biyenan sa bayan ng Sto. Niño.

Kinilala ang biktima na si Nestor Lorenzo habang ang suspek ay ang kanyang kapatid na si Michael at kapwa residente ng Barangay Sidiran.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sto. Niño na nangyari ang pananaga noon hatinggabi ng Lunes, May 11, subalit nai-report lamang ito sa pulisya, kahapon, May 12.

Ayon kay Gabatin, nag-inuman ang dalawa sa bahay ng suspek, kasama ang tatlong iba pa nilang kamag-anak.

At habang patapos na sa inuman ay nagkaroon umano ng diskusyon sa pagitan ng kanilang ina at sa asawa ng suspek.

Dito na namagitan ang magkapatid at nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa tinaga ng suspek ang panganay niyang kapatid gamit ang isang itak.

Nagtamo ng tama sa ulo at likod ang biktima na nagpapagaling na sa pagamutan.

Sa ngayon, inaantay pa ng pulisya ang posibleng pagsasampa ng kaso ng biktima laban sa suspek.

Tinig ni PCAPT Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sto. Niño

Samantala, muling ipinaalala ni Gabatin na bagamat tinanggal na ang liquor ban sa probinsiya na sumasailalim sa General Community Quarantine ay nananatiling ipinagbabawal sa bayan ng Sto. Niño ang pagbebenta o pag-inom ng alak.

Tinig ni PCAPT Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sto. Niño