Patay ang isang mister habang sugatan ang kanyang 33-anyos na misis sa pamamaril sa Upper Lubo, Tanudan, Kalinga, kagabi.

Ayon kay PCol. Davy Vicente Limmong, director ng Kalinga-PNP na nag-away ang mag-asawang sina Joey at Carmen Gobyang nang biglang pumasok sa kanilang bahay ang 40-anyos na suspek na si Milandro Maslang na kapatid ng babaeng biktima, upang awatin sana ang dalawa.

Gayunman, itinulak umano siya ng kanyang bayaw na biktima dahilan para masaktan ang suspek kung kaya nabigla siya at nabaril niya ito ng tatlong beses sa kanyang ulo, gamit ang .cal 45 na baril.

Dead on the spot ang mahigit dalawampung taong gulang na mister habang nagtamo naman ng tama ng baril sa ulo ang kanyang misis na nagpapagaling na sa pagamutan at posibleng nadamay lamang sa pamamaril.

Narekober sa crime scene ang baril na ginamit sa krimen na may isang magazine at may lamang apat na live ammunition.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong pagpatay habang patuloy namang iniimbestigahan ang ugat ng pinag-awayan ng mag-asawang biktima.