
TUGUEGARAO CITY-Nilimitahan muna ang serbisyo sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City matapos magpositibo sa COVID-19 ang 90 empleyado ng pinakamalaking referral hospital sa rehiyon dos.
Ayon kay Dr. Glenn Baggao, CVMC medical center chief na bukod sa mga nurses at nursing attendants, nagpositibo rin sa virus ang ilang taga admin staff na kasalukuyang naka- home quarantine.
Nasa maayos namang kalagayan ang kanilang mga kawani na nakararanas ng mild symptoms na maaring nahawa sa virus sa mga pasyente na inalagaan nila.
Maliban sa mga medical frontliners, nasa 14 confirmed cases ang patuloy na ginagamot sa CVMC habang isa ang COVID-19 suspect case
Dahil dito, ipinatupad na ang skeleton workforce para sa ilang empleyado habang pansamantala munang isasara ang outpatient department ng ospital simula sa Lunes at sa halip ay bubuksan nila ang kanilang online consultations.
Mananatili namang bukas ang Emergency Room Department ng ospital para sa mga pangangailangang medikal.
Kanselado na rin ang ilang mga aktibidad para sa ika-78th founding anniversary ng ospital tulad ng sportsfest 2023, kabilang ang pagsuspindi sa pagsasagawa ng face-to-face conferences at flag raising ceremony.