Walong kambing ang nakatakdang katayin ng muslim community sa Lungsod ng Tuguegarao bilang bahagi ng tradisyon sa pagdiriwang ng Eid al-Adha.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi Zinodin Bong Esmael, Vice President ng Muslim Community sa lungsod na sisimulang katayin at iluto ang mga kambing pagkatapos ng espesyal na panalangin sa moske.

Pagsasaluhan naman ito ng nasa 300 pamilyang Muslim para sa pananghalian bilang pag-alala at paggunita ng mga Muslim sa kahandaan ni Ibrahim na isakripisyo ang kaniyang anak na si Ishmael bilang pagsunod sa utos ni Allah, ang tawag sa Dyos ng mga Muslim.

Ayon kay Esmael, ang mga hayop ay binili ng mga may kayang Muslim para maipamahagi sa mga nangangailangang kapatid at ang sakripisyo para mabili ang mga hayop ay paraan ng kanilang pagmamahal kay Allah.

Ang pagdiriwang ay hudyat din ng pagtatapos ng taunang Hajj o Islamic pilgrimage sa Mecca sa Saudi Arabia.

Samantala, sinabi ni Esmael na bagamat niluwagan ang COVID-19 restriction sa lungsod ay papayagan lamang ang hanggang sa 50% seating capacity sa bilang ng maaaring dumalo sa moske para sa panalangin.

Isang araw ang selebrasyon na ginawa ring holiday.