-- ADVERTISEMENT --

Dalawang graduate ng Saint Paul University Philippines- Tuguegarao ang nakapasok sa Top 10 sa nakalipas na 2021 Pharmacist Licensure Examination.

Nakamit nina Jaylord Balisi ng Santo Thomas, Isabela ang ikatlong puwesto na may rating na 92.30 at Jomel Youi Jamito ng Tuguegarao City sa ika-sampung puwesto na may rating na 90.95.

Sa panayam ng Bombo Radyo, kapwa hindi inasahan ng dalawang dating magka-klase sa SPUP-Tuguegarao ang nakamit na mataas na rating kung saan nakapasok pa sila Top 10 sa Licensure Examination ngayong taon at hangad lamang daw nila ang makapasa.

Maituturing din daw na malaking hamon sa dalawa ang online review matapos makansela ang face-to-face review dahil sa COVID-19 pandemic.

Bukod sa magulang ay naging inspirasyon naman ni Balisi ang kanyang mga kamag-anak na nasa larangan ng medisina na nagsasagawa ng medical mission sa mga mahihirap na komunidad nang walang bayad.

Bagamat lisensyadong pharmacist na, sinabi ni Balisi na plano niyang ipagpatuloy ang pag-aaral sa susunod na taon sa larangan ng medisina habang si Jamito ay maghahanap na ng trabaho sa susunod na taon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, pang-apat bilang top-performing school ang SPUP- Tuguegarao sa hanay ng mga eskwelahan at Unibersidad sa buong bansa matapos makuha ang 84.31% passing rate para sa kanilang 43 passers mula sa 51 examinees.