Hinimok ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) si Pangulong Rodrigo Duterte na gawing prayoridad ang apela ng sektor ng mgamanggagawa sa nalalabing taon nito sa kanyang termino.
Sa isang panayam, iginiit ni TUCP spokesperson Alan Tanjusay na dapat nang aprubahan ng Pangulo ang anti-endo o security of tenure bill na posibleng mapaso sa susunod na linggo kapag hindi pa rin ito naaprubahan ni Pangulong Duterte bilang isang bagong batas.
Iginiit ni Tanjusay na marapat lang na itaas na rin ang sahod ng mga ordinaryong mga manggagawa at guro sa pampublikong mga paaralan katulad nang pagtaas ng suweldo ng mga pulis.
Dapat na magbigay na rin aniya ang Pangulo ng timeline para rito upang maiwasan na rin magtampo ang mga manggagawa mula sa iba’t-ibang industriya.
Nauubos na aniya ang termino ng Pangulo sa war on drugs pero hindi pa raw nito natutupad naman ang mga pangako niya sa mga manggagawa.