Naglunsad ang administrasyon ni U.S. President Donald Trump ng isang kampanya upang ihiwalay at buwagin ang International Criminal Court (ICC) dahil sa itinuturing nitong banta sa soberanya ng Estados Unidos.
Ayon sa ulat, ipinahayag ni US Secretary of State Marco Rubio na tahasang tinatanggihan ng Estados Unidos ang kapangyarihan ng ICC na mag-imbestiga o umusig sa mga mamamayan at sa mga opisyal ng bansa.
Aniya, inisyal na layunin ng ICC na usigin lamang ang mga matitinding paglabag subalit naging mas radikal at sukdulan umano ito, sabay giit na hindi papahintulutan ng Trump administration ang korte na pagbantaan ang mga opisyal ng Amerika.
Maging sina US President Donald Trump at iba pa tulad ni dating Pangulong George W. Bush, matagal nang sinasabi na walang otoridad ang ICC na mag-imbestiga at usigin ang Americans partikular na ang mga miyembro ng militar.
Ayon sa State Department official, na hiniling na hindi na pangalanan, ilan sa mga ikinokonsiderang opsiyon para itarget ang ICC ay ang pagpapatupad ng travel bans, rebokasyon ng visa, pagpapaigting pa ng sanctions laban sa ICC at kanilang affiliated organizations at diplomatic pressure sa ibang bansa para kumalas mula sa international tribunal.
Samantala, sinabi naman ni ICC spokesperson Oriane Maillet na hindi magkokomento sa ngayon ang korte kaugnay ng naturang usapin.
















