ILOILO CITY – Nagkaroon nang bakbakan ang mga tropa ng gobyerno at mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa Sitio Langka, Brgy. Danao, Leon, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Col. Arnel Solis, spokesperson ng Police Regional Office-6, sinabi nito na nagpapatupad ng security operation ang mga sundalo ng 61st Infantry Batallion sa Barangay Danao nang mangyari ang engkwentro.
Ayon kay Solis, humingi ng tulong ang mga residente dahil sa pagdating ng mga NPA sa lugar na nangingikil.
Aniya, mga myembro ng Sibat Platoon, Southern Front, Komiteng Rehiyon-Panay ang nakabakbakan ng mga sundalo.
Walang naitalang casualty sa panig ng mga sundalo pero hindi pa matiyak kung merong nasugatan o namatay sa panig ng mga rebelde.
Patuloy pa rin ngayon ang clearing at hot pursuit operation sa lugar.