Tiniyak ni Environment Sec. Roy Cimatu na siya ring special envoy to Middle East na tuloy ang mandatory repatriation sa mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East.

Ito’y sa kabila ng pahayag ng Iran na tapos na ang kanilang ganti sa pagkakapatay kay Gen. Qassem Soleimani matapos ang kanilang missile strikes sa US base sa Iraq habang nagsabi na rin si US President Donald Trump na hindi na magsasagawa ng retaliatory attack at handa itong pag-usapan ang kapayapaan sa Tehran.

Sa press conference sa NAIA Terminal 1 bago lumipad papuntang Middle East, sinabi ni Sec. Cimatu na walang pagbabago sa hakbang ng gobyerno at hindi maaaring pakampante sa pahayag ni Pres. Trump.

Ayon kay Sec. Cimatu, sa kanyang pananaw, baka may darating pang mas malaking gulo lalo nakakabahala ang ginawa ng Estados Unidos na pagpapadala ng 82nd Airborne Fleet sa Kuwait.

Kaya hindi na umano baleng mag-over react kaysa magsisi kapag malagay sa panganib ang buhay ng mga Pilipino sa oras na may mangyaring giyera.

-- Advertisement --

Sa ngayon, sa Dubai at Qatar nila ibubuhos ang pondo at logistics dahil dito dadalhin ang mga OFWs para ipasakay ng mga eroplano.

Ilang airlines umano ang pagsasakyan ng mga OFWs at hindi pwedeng sa isang carrier lamang sila ipasakay dahil may ibang pasahero na ring naka-book na bibiyaheng Pilipinas.