Mariing pinabulaanan ni Sen. Antonio Trillanes IV ang pagtukoy sa kaniya ni Joemel Peter Advincula Alyas “Bikoy” na ito ang totoong utak ng mga video ng paninira laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at mga kaanak ng presidente.

Matatandaang si Advincula ay kusang lumutang at umamin na siya si “Bikoy” na nasa “Ang Totoong Narco-list” video.

Pero mula sa pagdadawit nito dati sa mga kaalyado ng Duterte administration, kabaliktaran na ang sinasabi niya ngayon at idinidiin naman si Trillanes, pati na ang mga naging kandidato ng Liberal Party (LP) sa senatorial race.

Kaya naman, desidido ang senador na bumwelta ng kaso laban kay Advincula.

Dahil dito, kinokonsulta na ni Trillanes ang kaniyang mga abogado para sa susunod na legal action.

“I deny the allegations made by this Bikoy character. This could be another ploy of the administration to harass the opposition. For now, I will be consulting with my lawyers so that we could also file the appropriate charges against him,” wika ni Trillanes.