Reading Time: 1 minute

LA UNION – Hindi umano masikmura ng isang tricycle driver na angkinin ang pera na nakalagay sa napulot nitong sling bag sa Luna, La Union.

Nakilala ang good samaritan na si Zacarias Gravoso Jr., 29-anyos na residente ng Barangay Pila sa nabanggit na bayan.

Ayon sa Luna Police, magkasunod na binabaybay nina Gravoso na nagmamaneho ng tricycle, at Mark Joseph Robianes, 32, salesman ng Consumer Care, taga-Barangay Almeida sa bayan ng Balaoan na nagmamaneho naman ng kotse, ang kalsada na bahagi ng Barangay Magallanes.

Nang mag-overtake umano ang huli ay hindi nito napansin ang nahulog na sling bag mula sa tuktok ng kotse nito na siya naman pinulot ni Gravoso.

Sinubukan pa raw habulin ni Gravoso ang sasakyan ni Robianes ngunit hindi na nito inabutan pa kaya nagtungo na lang sa mga otoridad at dinala ang bag na naglalaman ng ibat-ibang bank passbook at cash na P203,640.

Bilang ganti, binigyan ng reward ni Robianes si Gravoso sa ginawa nito.