-- Advertisements --

Mababawi ng Pilipinas ang nasa 1.2 million trabaho na nawala sa gitna ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic dahil sa malakas ang ekonomiya ng bansa, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).

Pero nagpapabagal anila sa expansion ng business activities ang travel restrictions sa kasalukuyan.

Sa presentation sa pagbubukas ng 58th Philippine Economic Society (PES) Annual Meeting and Conference, sinabi ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick T. Chua na maraming trabaho ang nabuo kasunod nang pagluwag ng quarantine restrictions mula Enhanced Community Quarantine patungong General Community Quarantine.

Sinabi ni Chua na mula Enero hanggang Abril, kabuuang 8.8 million trabaho ang nawala dahil sa ECQ pero nang isinailali sa GCQ ang bansa ay naibalik o nabawi naman ang 7.5 million jobs.

Ayon kay Chua, kasabay nang pagbubukas ng ekonomiya ay ang pagtanggal naman sa mobility restrictions, partikular na sa public transportation.

Ang sinusunod na minimum health standards aniya sa ngayon ay kabilang sa mga itinuturing na pinaka-komprehensibo sa buong mundo.

Makakatulong aniya ito para muling mapalakas ang kumpiyansa ng publiko na bumalik sa kanilang trabaho at magpapabuti rin sa consumption spending.