Simula bukas Disyembre 24 ay ipatutupad na ng Bureau of Immigration (BI) ang resolution mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na pag-ban sa lahat ng mga flights mula sa United Kingdom (UK).

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, natanggap na nila ang kopya ng Resolution No. 90 na nagsususpindi sa lahat ng flights mula UK hanggang sa Disyembre 31.

Pero ayon sa BI, base na rin sa resolusyon ng IATF, ang mga outbound travel sa United Kingdom ay papayagan pa rin naman pero kailangan pa ng mga pasahero ng round trip ticket para sa mga short-term tourist visa holders at travel at health insurance.

“Consequently, effective December 24, all passengers who have been to the United Kingdom in the last 14 days are temporarily restricted from entering the Philippines,” ani Morente.

Nilinaw din nitong ang mga tinatawag na “transiting passengers” mula sa UK ay kabilang din sa travel restriction.  

“I have instructed a strict implementation of our 100% passport inspection to ensure that we are able to detect anyone who has been to the UK in the last 14 days,” dagdag ni Morente.

Umapela rin si Morente sa iba’t ibang airlines at shipping agents na huwag nang magsakay ng mga banyaga na galing sa UK nitong mga nakaraang araw.

“We are constrained to implement this to ensure that our healthcare system is given ample time to respond to this latest development on the pandemic,” wika ni Morente.

 Dagdag pa ni Morente na ang mga paparating mula sa UK bago ang December 24 ay papayagan pa rin namang makapasok sa bansa pero dadaan ang mga ito sa Bureau of Quarantine (BOQ) at sa One Stop Shop para naman sa pagpapatupad sa  mahigpit na quarantine at testing protocols.

“Filipinos will be allowed to enter the country even after December 24, but will also be referred to the BOQ and the One Stop Shop,” anang BI chief.

Kabilang sa mga bansang sakop ng UK ang England, Scotland, Wales at Northern Ireland.