-- Advertisements --

Kumikilos na raw ang Department of Health (DOH) para mahanap ang naging close contacts ng mga emepleyado ng Metro Rail Transit (MRT-3) na nag-positibo sa COVID-19.

“Sa pagkakaaalam ko, ang DOH ngayon in full force na yung paghanap ng mga people who can do contact tracing mostly specially dito sa MRT atsaka ibang communities together with the LGU (local government units),” ani Health Usec. Leopoldo Vega sa Malacanang press briefing.

Sa huling tala ng Department of Transportation, 203 mula sa 3,304 personnel ng MRT-3 ang nag-positibo sa COVID-19.

Ayon kay Transportation Asec. Goddes Libiran, may 1,199 personnel ng tren ang nag-negatibo. Samantalang 1,308 personnel ang kailangang magbalik operasyon sa trabaho.

Pansamantalang nakatigil ang operasyon ng MRT-3 hanggang Sabado para sa disinfection at karagdagang safety measures sa mga istasyon.

Nitong Miyerkules nang aminin ng DOH na kabilang sa 2,539 new cases ng COVID-19 ang mga naitalang kaso sa MRT-3.

“Isa sa mga stratehiya ito ng DOH ngayon na magkaroon ng more human resources na contact tracers atsaka pagpadami ng testing sa community,” ani Vega.

As of June 30, may 54,000 contact tracers na raw ang bansa ayon sa Health department.