(Update) Pinuna ni FPJ Bayanihan Party-list Representative Brian Poe ang mga ride-hailing service o Transport Network Vehicle Service (TNVS) providers matapos mabigong tuparin ang kanilang naunang pangako na babawasan ang kinukuha nilang komisyon mula sa mga partner-riders.
Sa ginanap na LEAD Committee hearing nitong Miyerkules, binigyang-diin ni Poe na ang mga naturang kumpanya mismo ang boluntaryong nangako sa ilalim ng panunumpa na magbabawas ng singil upang makatulong sa gitna ng krisis sa langis.
Ayon sa rekord ng Kamara, nangako ang Angkas, Joyride, at Move It na ibababa ang kanilang komisyon mula 20 porsyento patungong 15 porsyento, habang ang Grab ay nangakong gagawin itong 18 porsyento mula sa dating 20 porsyento, at ang InDrive naman ay mula 10 porsyento patungong isang porsyento lamang.
Gayunpaman, ipinakita ni Poe ang mga screenshot at ebidensya mula sa mga riders na nagpapatunay na nananatili pa rin sa 20 hanggang 23 porsyento ang kinakaltas ng mga platform sa kita ng mga driver.
Ibinahagi ng mambabatas na umani ng halos 2,000 komento ang kanyang social media post mula sa mga galit na riders na nagsabing hindi totoo ang ipinangakong bawas-komisyon.
Binigyang-diin ni Poe na bagaman hindi pinakialaman ng gobyerno ang kanilang presyo, ang naturang pangako ay ginawa ng mga kumpanya “para sa bayan” kaya nararapat lamang na panindigan nila ito.
Nilinaw sa pagdinig na ang layunin ng bawas-komisyon ay hindi para pababain ang pamasahe ng mga pasahero, kundi upang dagdagan ang maiuuwing kita ng mga drivers na direktang tinatamaan ng mataas na presyo ng gasolina.
Hiniling ni Poe sa mga TNVS providers na magbigay ng paliwanag at agad na ipatupad ang kanilang mga pangako para sa kapakanan ng kanilang mga partner-riders.
Samantala, nagpahayag naman ng paglilinaw ang inDrive hinggil sa komisyon na sinisingil ng mga TNVS companies sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina.
Ayon sa kumpanya, hindi tama ang impresyon na ibababa nila ang komisyon mula 10% tungo sa 1% sa lahat ng pagkakataon.
Ipinaliwanag ng inDrive na ang hanggang 1% na komisyon ay ipinatutupad lamang sa piling lugar na may mataas na demand sa ilalim ng kanilang “Purple Zone” initiative, partikular sa oras ng peak hours.
Sa labas ng mga zone na ito, nananatili ang karaniwang komisyon na hanggang 10%, na anila ay isa pa rin sa pinakamababa sa merkado.
Iginiit ng kumpanya na layunin ng programang ito na suportahan ang mga partner drivers sa panahon ng matinding pangangailangan.
“We are confirming that we are rolling the program out to support our partner drivers following our “Purple Zone” initiative. The up to 1% commission applies in select high-demand areas and is designed to support drivers during peak hours by allowing commissions to go as low as 1%. Outside these zones, inDrive maintains its standard commission rate of up to 10%, which remains among the lowest in the market,” wika ni Vangie Valenton, Media and Influencer Relations Manager ng inDrive.










