Reading Time: 1 minute

Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at militar ang provincial director ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Basilan dahil sa pag-iingat ng pampasabog.

Kinilala ni CIDG spokesperson Lt. Col. Mary Grace Madayag ang nahuling TESDA director na si Muida Hataman.

Ikinasa ang operasyon kaninang alas-5:45 ng madaling araw sa mismong tahanan nito sa Barangay San Rafael, Isabela City, Basilan.

Sinabi ni Madayag ang operasyon ay batay sa bisa ng search warrant.

Sinalakay ng CIDG ang tinitirhan ni Hataman at nakuha sa kanyang posisyon ang blasting cap, mga sangkap pampasabog, handheld radio, apat na cellphone at dalawang laptop.

May report din ang PNP na konektado umano si Hataman sa isang sub commander ng Abu Sayyaf Group.

Sa ngayon ay dinala na sa Zamboanga City ang naarestong opisyal sa headquarters ng CIDG para sampahan na ng kaukulang kaso.