-- Advertisements --

Mananatiling sarado ang headquarters ng Bureau of Immigration (BI) sa Intramuros, Manila hanggang bukas, Hulyo 30.

Ito ay para bigyan daan ang isasagawang COVID-19 rapid test sa lahat ng mga empleyado ng BI sa headquarters nito.

Mababatid na dapat noong Hulyo 27 hanggang 28 lamang ang temporary shutdown ng BI pero pinalawig ito dahil tanging nasa 700 empleyado lamang nila ang nagawang sumailalim sa COVID-19 test sa unang dalawang araw ng linggo.

Nauna nang sinabi ng BI na tatlo sa kanilang empleyado ang nagpositibo sa nakakamatay na sakit, dahilan para ideklara ang pansamantalang suspensyon sa kanilang operasyon sa main building.

SInabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na umapela rin ang kanilang general services section ng sapat na oras para makumpleto ang disinfection sa building at palibot nito.

Habang sarado ang mainbuilding, maaring makipagtransaksyon naman ang publiko sa satellite at extension offices ng BI sa Metro Manila.