Isang technical working group ang bubuuin para aralin ang 1992 agreement sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa isang pahayag, sinabi ni UP President Danilo Concepcion na nagkaroon ng pagpupulong kahapon sa Camp Crame ang mga opisyal ng unibersidad kasama ang DILG at Philippine National Police (PNP).

Nagkasundo umano ang tatlong partido na gumawa ng Technical Working Group (TWG) upang himayin ang 28-year-old agreement ng UP at DILG.

Nakadepende naman sa magiging findings at rekomendasyon ng naturang technical working group ang magiging desisyon ng parehong panig kung dapat amyendahan ang ilang probisyon sa kasunduan o gumawa na lamang ng bagong accord.

Ang 1992 UP-DILG agreement ay nilagdaan nina dating UP President Jose Abueva at dating DILG Sec. Rafael Alunan III matapos ang pagpapatupad ng Republic Act No. 6975.

-- Advertisement --

Ayon sa DILG, ang agreement ng UP at DILG ay halos kapareho lamang ng accord sa pagitan ng UP at Department of Defense (DND).

Sa ilalim ng nasabing kasunduan ay limitado lamang ang police presence na pinapayagan sa loob ng UP campuses. Kailangan din munang magpaalam ng mga otoridad sa UP administration bago magsagawa ng military o police operations sa anumang campus ng UP.

Ipinagbabawal din ang pagpasok ng law enforcement personnel sa loob ng unibersidad nang walang pahintulot mula sa mga opisyal ng paaralan, subalit hindi sakop nito ang hot pursuit cases at iba pang uri ng emergency.

Sa kabila nito ay tiniyak pa rin ng DILG at PNP ang pagkilala nito sa kahalagahan ng academic freedom, gayundin ang kapayapaan at seguridad ng University of the Philippines.