Reading Time: 1 minute

DAGUPAN CITY – Nakatakdang magtungo sa Amerika ang tatay ng isang Pinay mula sa Tarlac na nasawi matapos barilin ng sariling mister sa Las Vegas, Nevada.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mildred Gotidoc, panganay na kapatid ng biktimang si Karen Lopez, sinabi nito na sa huling linggo ng buwan ay maaari nang tumulak pa-Amerika ang kanilang tatay para personal na ayusin ang mga kinakailangan para maiuwi dito sa bansa ang biktimang si Karen Lopez.

Ayon kay Gotidoc, ihahatid na sana ng suspek ang kanilang anak kay Karen ngunit nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan. Ginilitan pa umano ng suspek si Karen bago barilin.

Hindi na aniya lingid sa kanilang kaalaman ang hindi pagkakasundo ng kanyang kapatid at asawa nitong si Fernando dahil simula nang magsama ang dalawa ay palagi aniya silang nag-aaway.

Napag-alamang pinagbawalan na ng korte ang mag-asawa na magkita matapos mapawalang-bisa ang kanilang kasal dahil umano sa pagiging abusado at pambababae ng suspek.

Nauna rito, nananawagan ng pinansyal na tulong ang pamilya ng biktima para maiuwi ito dito sa bansa.