Nilinaw ngayon ni Cavite Governor Jonvic Remulla na tanging ang mga edad 15 hanggang 65-anyos lamang ang papayagan na makapunta sa shopping malls sa lalawigan ngayong holiday season.

Ito ay matapos na sabihin noong Miyerkules na maari nang pumasok sa mga malls sa Cavite ang mga senior citizens at mga bata na may edad na 10 pataas kasama ang nakatatanda.

Humingi ng paumanhin si Remulla sa pagkakamali niyang ito, na resulta lamang aniya ng kanyang pagiging masigasig na muling maibalik ang aniya’y “personal freedom” ng mga taga-Cavite.

Ayon kay Remulla, ginawa niya ang desisyon na ito matapos na sabihin naman ng IATF na papayagan na ang mga menor de edad na may kasamang nakatatandda na makalabas at makapunta sa mga malls ngayong holiday season para sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.

Nais lamang daw niya sanang paligayahin din ang kabataan matapos na matengga sa loob ng bahay sa nakalipas na mga buwan.