Nagbigay ng donasyong P11.2 million ang Taiwan sa pamamagitan ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) para sa nagpapatuloy na disaster relief operations sa mga biktima ng baha at landslide na tumama noong Enero sa Davao region.
Sa turn-over ceremony sa naturang halaga, nagpaabot si TECO Representative Wallace Chow ng buong pusong pakikiramay sa naulilang pamilya ng mga nasawi sa landslide.
Sinabi din ng opisyal na ang naturang humanitarian assistance ay magbibigay ng pondo para sa paghahatid ng DSWD ng mga mahahalagang suplay, medical assistance at iba pang uri ng suporta para matulungan ang mga apektadong pamilya at muling makabangon sa buhay matapos ang trahediya.
Ito na nga ang ikatlong pagkakataon na nagbigay ang Taiwan ng tulong pinansiyal para sa suportahan ang disaster relief ng Pilipinas simula noong 2022, kayat aabot na sa kabuuang $700,000 o P39.3 million ang naibigay na tulong ng Taiwan.
Ayon naman kay Manila Economic and Cultural Office Chairman Silvestre Bello III na siyang tumanggap ng naturang donasyon, ang naturang pondo aniya ay hahatiin at ibibigay sa mga apektadong probinsiya sa Davao region.
Matatandaan na ilang parte ng Mindanao ang binaha at nagdulot ng landslide dahil sa matinding pag-ulan dulot ng northeast monsoon at trough ng low pressure area noong nakalipas na buwan.