CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang mga sibilyan sa pagsalakay ng mga armadong grupo sa probinsya ng Maguindanao.

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division spokesman Major Arvin Encinas, pinaputukan ng mga armadong kalalakihan sa pamumuno ng isang Kumander Mike City ang tahanan ng nanalong vice-mayor ng Talitay, Maguindanao na si Montasir Sabal.

Agad lumikas ang mga residente ng Brgy Poblacion, Brgy Gadungan at Brgy Kilalan sa bayan ng Talitay sa takot na maipit sa gulo patungo sa mga ligtas na lugar.

Sinabi ni Encinas na pinagsisikapan ngayon ng militar na humupa ang tensyon sa Talitay dahil sa awayan sa pulitika.

Nagpalabas na rin ng kautusan si 6th ID chief, Maj. Gen. Cirilito Sobejana sa kanyang mga nasasakupan na makipagtulungan sa MILF, GPH-CCCH sa lugar para maresolba ang gulo.