Umapela si AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin sa Kamara na aprubahan na ang matagal nang nakabinbin na Coffee Industry Development Act.

-- Advertisement --

Ito ay kasunod na rin nang pagputok ng Bulkang Taal na nakapinsala sa kabuhayan ng maraming coffee farmers, lalo pa at ngayong buwan pa naman inaasahan ang pag-usbong ng pmumulaklak at bunga ng bawat puno ng kape sa Batangas.

Dahil dito, pinangangambahan din ayon kay Garin na babagsak ang supply ng kape dahil tinatayang aabot na sa 5,000 metric tons o P1.2 billion coffee products ang nawala sa pinsala ng pagputok ng Taal Volcano.

Kaya naman nanawagan si Garin sa Kongreso na ipasa na ang House Bill 3598 na maglalatag ng programa para sa coffee industry sa bansa, kabilang na ang proteksyon sa kapakanan ng mga nagtatanim ng kape.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng technical assistance ang planting systems at rehabilitation ng mga taniman ng kape, gayundin ang development ng isang epektibong production system.

Nakasaad din dito ang pagtatag at maintenance ng isang germplasm collection at gene bank para sa mga kape upang matiyak na mapreserba ang genetic material sakaling magkaroon ulit ng kalamidad sa bansa.