LEGAZPI CITY – Bumuo ng grupo ang isang Bicolano engineer upang gumawa ng mga solar lamps na ipapamigay sa mga residente na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Nag-iikot din ang mga ito upang makahanap ng mga materyales na gagamitin sa paggawa ng mga lampara.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engineer Ed Brisenio, hindi niya personal na kakilala ang ilan sa mga kasama sa grupo subalit nag-volunteer ang mga ito sa kaniyang social media account upang dumalo sa orientation.

Mahigit 200 solar lamps na ang kanilang nalikha at umaasang madaragdagan pa sa ido-donate na materyales ng mga nais tumulong.

Sa oras na makagawa ng karagdagang bottled lamps, makikipag-ugnayan ang mga ito sa mga local government unit na apektado upang ipamahagi ang mga produkto.

Apela naman ni Engr. Brisenio ang donasyon sa mga materyales para sa mga lampara, kagaya ng solar pannel, rechargable batteries, LED (light-emitting diode) at transistor. (photo by Engr. Ed Brisenio)