Tiniyak ni Presidential Management Staff Asst. Sec. Joseph Encabo, lead convenor ng hatid tulong program sa mga locally stranded individuals (LSI’s) na mas maayos at organisado na ang mga susunod na send off sa mga kababayan nating uuwi sa mga probinsiya.
Kasabay nito humingi na rin si Encabo ng paumanhin sa perwisyong idinulot ng pagbuhos ng mga LSI’s sa Rizal Memorial Stadium dito sa lungsod ng Maynila.
Maalalang walo ang nag-positibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid test sa mga LSI’s na pumunta sa Rizal Stadium at dalawa umano rito ang bata.
Ang naturang mga LSI’s ay naka-isolate na rin sa ngayon at aalertuhin ang mga local government units (LGUs) na tatanggap sa mga nagbabalik sa probinsiya na nakahalubilo ng mga nagpositibo para agad maisalang sa rapid test.
Una rito, todo paliwanag si Encabo sa kumpulan ng mga tao sa stadium dahil limitado lang daw sa mga nakaraang araw ang galaw ng mga barkong sasakyan ng mga ito.
Pinapasok din umano nila ang mga LSI’s na nasa labas ng stadium noong umulan dahil kawawa noon ang mga bata, buntis at mga matatanda na lalong naging dahilan kung bakit hindi na nasunod ang isang metrong distansiya ng mga LSI’s.