(Update) BACOLOD CITY – Hindi lang isa, kundi dalawa ang suspek na pumatay sa pitong taong gulang na bata na itinapon lang sa basurahan sa Victorias City, Negros Occidental nitong Linggo ng hapon.

Kasunod ng isinagawang autopsy examination, nakumpirmang hinalay ang biktimang si Janelle Mae Didal bago pinatay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Victorias City Police Station na si Police Major Eduardo Corpuz, ginahasa ang biktima bago ito isinilid ng mga suspek sa sako at itinapon sa basurahan sa Villa Miranda, Barangay 6A.

Nabatid na itinali ng mga suspek ang bunganga ng sako at pinatungan ng isa pang sako na puno ng basura kaya’t nahirapan ang mga residente sa paghahanap sa biktima kinagabihan ng Linggo.

Ayon kay Corpuz, binali ng mga suspek ang leeg ni Didal at hinampas ng matigas na bagay ang kanyang ulo na nagresulta sa pagkamatay ng bata.

Samantala, umakyat na sa dalawa ang suspek sa krimen.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo, hinuli ng mga pulis ang karpentero na kinilala lamang kay Jeffrey ng nasabing barangay.

Inamin umano ni Jeffrey na magkasama sila ni Mark Besa na humalay sa Grade 2 pupil at siya ang unang gumahasa rito.

Ayon kay Jeffrey, sa bahay mismo ni Besa nangyari ang krimen kung saan naroon din ang mga anak ng suspek na silang nagsumbong sa mga residente na nagbigay-alam sa mga pulis kaya nadakip kahapon ng madaling araw.

Ang suspek ay dinakip bago pa man naaresto si Besa sa Barangay Pili, Ajuy, Iloilo kahapon naman ng hapon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here