LEGAZPI CITY – Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang makilala ang suspek sa pagpaslang sa isang dalagita sa Barangay Ki-Buaya, San Pascual, Masbate.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Staff Srgt. Mario Aquino ng San Pascual PNP, natuklasan ang bangkay ng 13-anyos na Grade 8 student na wala nang buhay malapit sa isang balon at may mga tama ng taga sa ulo.

Ayon sa imbestigasyon ng mga otoridad, itak ang ginamit ng suspek na naging dahilan ng agarang pagkamatay ng dalagita na sinubukang itakbo sa ospital subalit binawian ng buhay.

Samantala, palaisipan sa mga pulis kung bakit hindi na iniulat ng pamilya ang insidente habang ang punong barangay lang ng lugar ang pumunta sa pulis upang ihayag ang pangyayari matapos ang dalawang araw.