(Update) KALIBO, Aklan – Arestado sa ikinasang hot pursuit operation ang 24-anyos na suspek na sumalisi ng mahigit sa P2.7 milyon sa isang money changer sa isla ng Boracay.

Kinilala ni Major Jess Baylon, hepe ng Malay Police Station ang suspek na si Leandro Sarito, waiter sa isang restaurant sa isla at tubong Barangay Canduyong, Odiongan, Romblon, ngunit kasalukuyang naninirahan sa Barangay Yapak sa naturang isla.

Dati umano siyang empleyado ng nasabing money changer.

Maliban sa P2.5 milyon na nakasilid sa backpack ay kinuha pa nito ang nasa P170,000 na kita ng money changer na nakalagay sa cash box at cellphone ng biktima na si Nico Caagbay.

Sa pagkarekober ng pera ay kulang na ito ng mahigit sa P300,000.

Nahaharap ngayon sa kasong robbery ang nasabing suspek at patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng mga kasabwat nito.